Pinayagan na ng ilang Local Government Unit (LGU) ang pagbisita sa mga sementeryo bago ang nakatakda nitong pagsasara simula October 29 hanggang November 4 o ilang araw bago at pagkatapos ng Undas.
Simula ngayong araw hanggang October 27, bukas ang mga sementeryo sa Cavite simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.
Pero paalala ni Governor Jonvic Remulla, bawal ang kainan, inuman at lasingan mapa-publiko man o pribadong sementeryo.
Mahigpit ding ipatutupad ang minimum health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, at pagsunod sa social distancing para maiwasan ang transmission ng COVID-19.
Samantala, simula ngayong araw, pwede na ring magpa-reserve ng slot ng oras ng pagbisita sa mga sementeryo at kolumbaryo sa San Juan City.
Ang oras ng pagdalaw ay limitado lamang hanggang dalawang oras at hanggang dalawang miyembro lamang bawat pamilya ang maaaring magpatala kada batch.
Bukas ang mga sementeryo at kolumbaryo sa lungsod sa October 16 hanggang October 28 at November 5 hanggang November 15.