Pagbitbit ng baril ng mga pulis sa loob ng eskwelahan sa Alaminos, Pangasinan, walang mali ayon sa PNP

Hindi paglabag ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Dionardo Carlos ang pagbibitbit ng baril ng mga pulis sa isang eskwelahan sa Alaminos, Pangasinan.

Ito ay sa kabila ng pahayag ng Department of Education (DepEd) na paglabag sa kanilang polisiya ang presensya ng armed combatants sa loob ng mga eskwelahan, taga-gobyerno man o hindi.

Ayon sa PNP chief ang dapat munang tanong sa insidente ay kung paano ba ang inasal ng mga pulis na pumasok sa eskwelahan.


Kung maayos naman aniya ang kanilang naging postura at pag-uugali, hindi ito maituturing na isang pagkakamali.

Sinabi ng PNP chief, bahagi ng uniporme ng mga pulis ang kanilang armas.

Pero, inihayag ni Carlos na siya mismo ang kakastigo kung may mga pulis na mag-aastang barumbado lalo na sa mga eskwelahan o harap ng mga estudyante.

Batay sa field report na natanggap ng DepEd kahapon, bahagi ng security detail ng isang Local Government Unit official sa Alaminos ang mga pulis na pumasok sa eskwelahan para bisitahin ang unang araw ng face-to-face classes.

Facebook Comments