Iginiit ng Malacañang na hindi pa rin madali ang pagbiyahe sa ibang bansa kahit pinapayagan na ng pamahalaan ang non-essential outbound travel para sa mga Pilipino.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bago makaalis ng Pilipinas, ang mga biyahero ay kailangang sumailalim sa antigen testing bilang pre-boarding requirement.
Dagdag pa ni Roque, may ilan ding bansa ang nagre-require ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing para sa mga bibisita sa kanilang bansa.
“So, hindi po ganoon kadali pa rin magbiyahe maski nag-liberalize na tayo ng outbound travel kasi halos lahat ng daigdig pa rin ay nagri-require ng PCR test kagaya ng ginagawa natin sa mga pumapasok sa ating bansa,” ani Roque.
Paalala ni Roque sa nais pumunta sa ibang bansa na sundin ang requirements na hinihingi ng pamahalaan.
Nabatid na simula bukas, October 21 ay pwede na ang non-essential travel abroad para sa mga Pilipino pero alinsunod sa patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF).