Umani ng pagkondena mula sa mga senador ang ginawa ng mga barko ng China na pagbomba ng tubig sa mga barko ng Pilipinas na may dalang food supplies para sa mga sundalo sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan, hindi tayo dapat pumayag na sakupin ang mga isla natin, o bastusin ang mga sundalo natin at ibenta ang pinakamatatayog na bahagi ng ating ekonomiya sa mga negosyanteng Chinese.
Si Senator Risa Hontiveros, na matagal ng galit sa pambabastos ng China ay nagsabing hindi katanggap- tanggap ang nangyari na isang paglabag sa ating soberanya at hurisdiksyon.
Diin naman ni Senator Richard Gordon, ang Ayungin Shoal na kabilang sa Kalayaan Island Group ay nananatiling bahagi ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas.
Sabi naman ni Senator Francis Tolentino, walang lugar sa International Law ang pam-bu-bully ng China.
Dahil sa insidente ay iginiit ni Committee on Foreign Relations Chairman Senator Koko Pimentel sa Department of Foreign Affairs na gawing matapang at gamitin ng mabibigat na salita ang ating diplomatic protest laban sa China.