Isinusulong ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang panukala na layong payagan ang mga senior citizens na makaboto sa pamamagitan ng koreo o postal.
Sa inihaing House Bill 7572 ni Quimbo ay binibigyang otorisasyon ang Commission on Elections (COMELEC) na payagang makaboto ang mga matatanda sa pamamagitan ng pagpapadala ng mail o postal voting.
Nakasaad sa panukala na maaari lamang payagan ng COMELEC ang postal kung ito ay kinakailangan tulad ngayong panahon ng pandemya.
Iginiit ng kongresista na hindi ito bagong panukala dahil ang Amerika, United Kingdom, Switzerland, Australia at New Zealand ay maaaring bomoto gamit ang koreo.
Sa postal voting ay naitataguyod ang karapatang makaboto ng mga matatanda, habang napoprotektahan at naaalagaan ang kanilang mga sarili laban sa sakit.
Dagdag pa ni Quimbo, kahit wala na ang COVID-19 ay dapat mayroon pa ring postal voting para sa mga senior citizens sa kadahilanang hindi na dapat nahihirapan at napapagod ang mga ito sa pagpila at pakikipagsiksikan tuwing halalan.