Pagboto ng senior citizen at mahinang sektor habang may pandemya, dapat gawing magaan

Nag-aalala si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa magiging kalagayan ng mga senior citizens at iba pang mahinang sektor sa 2022 elections dahil sa patuloy pa ring pananalasa ng Delta variant ng COVID-19.

Dahil dito ay iginiit ni Revilla na gawin ang lahat upang mas mapadali para sa kanila ang pagboto at makahikayat pa ng mas maraming botante para sa 2022 elections at sa mga darating pang mga halalan.

Paliwanag ni Revilla, mabuting masiguro ang ligtas at magaan na partisipasyon ng ating mga kababayan sa pinaka-importanteng democratic exercise sa ating bansa.


Hirit ito ni Revilla para sa Senate Bill 2216 na inilatag ng Committee on Electoral Reform and People’s Participation na layuning makahanap ng mas magaan na paraan upang makaboto ang senior citizens, Persons with Disabilities, buntis at Indigenous People (IP).

Hangarin ng panukala na makaboto ng mas maaga ang mga nabanggit na sektor sa loob ng hindi lalagpas sa dalawang araw na sakop ng 30 araw o isang buwan bago ang mismong araw ng halalan sa mga lugar o establisyimento na madaling puntahan.

Facebook Comments