Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga lokal na opisyal ng Davao Region na magbukas ng mga alternatibong ruta papunta sa mga lugar na apektado ng pagbaha na dulot ng shear line.
Ayon kay Pangulong Marcos, ito ay upang madaling makapasok ang mga rumiresponde, gayundin ang ayuda galing sa pamahalaan.
Dagdag pa ng pangulo, mas mapapadali ang pag-iinspeksyon sa mga nasirang kalsada, tulay, at iba pang imprastraktura kung magbubukas ng mga alternatibong ruta.
Samantala, sinabi naman ni Davao de Oro Governor Dorothy Montejo Gonzaga, na ilan sa mga kalsada sa kanilang lugar ay kailangan na ng road clearing at assessment para matiyak ang kaligtasan ng mga residente at ng mga nagsasagawa ng relief operations.
Kaugnay nito, nag-deploy na rin ang Department of National Defense (DND) ng logistical support para sa relief at rescue operation.
Bukod sa land assets ng Philippine Army, anim na helicopter para sa airlifts, at dalawang naval vessels ang kasalukuyang ginagamit ng pamahalaan para rumesponde sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Davao Region.