Paglikha ng trabaho ang isa sa pangunahing konsiderasyon ng pamahalaan kung bakit binuksan ang Baguio City sa mga turista alinsunod sa health at safety measures.
Sa ngayon, inilagay ang Baguio sa General Community Quarantine (GCQ) para sa buwan ng Pebrero dahil sa naitalang surge ng COVID-19 cases.
Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang hiling ng Baguio City Government na tumanggap ang kanilang mga hotel at iba pang accommodation establishments ng leisure travelers kahit nasa ilalim ng GCQ.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nais ng gobyerno na magkaroon ng balanse sa pagitan ng pagprotekta sa kabuhayan ng mga tao at kalusugan.
“Bagama’t nandiyan pa po iyong banta na paparami ang kaso ng COVID ay minabuti pa rin natin na balansehin nga po, dahil kung isasarado muli ang turismo ng Baguio ay iyan po iyong pinakamalaking pinagkukuhanan ng pagkikita sa hanapbuhay ng mga taga-Baguio, ang turismo,” sabi ni Roque sa isang radio interview.
Inihalintulad ni Roque ang Baguio sa Metro Manila kung saan pinapayagan ang staycation para sa lokal na turista kahit nasa GCQ ang capital region.