Pagbubukas ng bansa sa MGCQ, maliit lang ang magiging epekto

Ibinabala ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na mayroon lamang marginal o maliit na epekto sa ekonomiya ang pagsasailalim sa bansa sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Ang reaksyon ng kongresista ay kasunod na rin ng rekomendasyon ni National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Karl Chua kay Pangulong Rodrigo Duterte na maisailalim na sa MGCQ ang buong bansa sa darating na Marso.

Kung si Salceda ang tatanungin, hindi malabong ibalik muli ang restrictions lalo na kung bubuksan ang maraming negosyo pero hindi pa nababakunahan ang mga tao.


Naririyan din ang posibilidad na mapuno na naman ang mga ospital ng mga pasyenteng may COVID-19.

Pinakamahalaga aniya sa ngayon ay gawing pambansang prayoridad muna ang COVID-19 vaccination lalo na sa mga health workers.

Punto pa ni Salceda na isa ring ekonomista, kung bubuksan ang mga negosyo ay kasalukuyan namang “depressed” ang spending power o paggastos ng publiko dahil wala namang perang naibibigay lalo na sa mga naapektuhan ng pandemya.

Sa kabila nito, suportado naman ni Salceda ang pagbubukas muli ng pampublikong transportasyon na kasama rin sa panukala ng NEDA.

Facebook Comments