Pagbubukas ng ekonomiya, dapat sabayan ng pagsunod sa health protocols – Galvez

Maaaring luwagan ang quarantine restrictions at buksan ang economic activities basta’t nasusunod ang COVID-19 safety protocols at napapanatili ang mababang fatality rate.

Ito ang sinabi ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. kasabay ng nakatakdang pag-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ng bagong classification ng community quarantine status sa bansa ngayong araw.

Ayon kay Galvez, papayagang magbukas ang maraming negosyo pero kaakibat pa rin nito ang pagsunod sa minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay at physical distancing at mapanatili ang mababang bilang ng mga namamatay sa sakit.


Binigyang diin ni Galvez na kailangang masanay ang publiko sa pagsunod sa basic health protocols para maprotektahan sila mula sa sakit.

Aniya, nakikita ang matagumpay na paglaban sa pandemya sa ibang bansa kung saan ang kanilang mga mamamayan ay sumusunod sa mga patakaran.

Sa ilalim ng Pareto doctrine, kailangang mabalanse ang public health at economy, kung saan nakatuon ang second phase ng National Action Plan (NAP).

Muling iginiit ni Galvez na hindi na kakayanin ng bansa na ibalik pa sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ.

Mas inirerekomenda ni Galvez ang pagpapatupad ng localized lockdown sa barangay, kalsada o establisyimentong mayroong community transmission ng virus.

Nagpaalala si Galvez sa mga Local Government Unit (LGU) na paigtingin ang contact tracing efforts at itaas ang testing capacity at isolation facilities.

Facebook Comments