“Slowly but surely.”
Ito ang pahayag ng Department of Health (DOH) sa gitna ng mga panawagang luwagan ang lockdown measures para sa muling pagbuhay ng ekonomiya ng bansa.
Sa statement, sinabi ng DOH na ang pagbubukas ng ekonomiya ay kailangang gawin ng dahan-dahan.
Iginiit ng DOH na kapag nagmadali sa pagbubukas ng ekonomiya, mawawalan ng saysay ang mga nasimulan at napagtagumpayan sa laban sa COVID-19.
Mas manganganib din ang buhay ng mga tao at bibigat ang pasanin ng healthcare system kung hindi mag-iingat.
Nabatid na nanawagan ang grupo ng medical professional sa pangunguna ni dating Health Secretary Dr. Jaime Galvez-Tan na bawiin na ang lockdown measures para muling makabangon ang mga lahat mula sa pandemya.
Samantala, nanindigan ang DOH na hindi inirerekomenda ang paggamit ng anti-malarial drug na Hydroxychloroquine bilang gamot sa mga pasyenteng may COVID-19.