“Buhay muna bago lahat.”
Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa gitna ng tumataas na kaso ng COVID-19 infection sa bansa.
Ayon sa Pangulo, hindi pa rin ikokonsidera ng pamahalaan ang pagbubukas ng ekonomiya sa lebel na katulad noong bago tumama ang COVID-19 lalo na kung patuloy pa ring tumataas ang kaso.
Iginiit ni Pangulong Duterte na unti-unti ang pagtaas ng infection kasabay ng dahan-dahang pagbubukas at pagbabalik ng mga negosyo.
Hindi niya isasaalang-alang ang buhay at kalusugan ng bawat mamamayan.
Inihalimbawa ni Pangulong Duterte ang sinapit ng Estados Unidos na maagang nagbukas ng ekonomiya sa gitna ng banta ng virus.
Wala aniyang bansa sa mundo ang nakapaghanda sa COVID-19 pero ang Vietnam at Taiwan ang pinupuri ngayon dahil nagawa nilang makontrol ang pagkalat ng virus.
Nanawagan si Pangulong Duterte sa lahat ng pagkakaisa na labanan ang kasalukuyang pandemya at magtiwala at makipagtulungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsunod sa health measures.
Tiwala ang Pangulo sa pasyensya, tibay at determinasyon ng bawat Pilipino.