Pagbubukas ng ekonomiya, mahalaga matapos maitala mababang GDP – Palasyo

Iginiit ng Malacañang ang kahalagahan ng muling pagbubukas ng ekonomiya matapos na maitala ng bansa ang pinakamalalang Gross Domestic Product (GDP) contraction sa loob ng pitong dekada.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque Jr., sa ngayon ay hindi pa sapat ang pagbubukas ng ekonomiya para makabalik na sa normal at mapigilan ang kagutuman sa bansa.

Aniya, makatutulong ang economic reopening sa pagtugon sa kagutuman ngayong may pandemya.


“This will happen kung mabubuksan po talaga ang ekonomiya. Kaya nga po ang desisyon kung mababawasan ang pagkagutom eh nasa sa atin; kasi kung tayo po ay magpapabaya, hindi mabubuksan ang ekonomiya. Hindi magiging MGCQ ang Metro Manila kung saan 60% ng ating GDP ay nakasalalay, eh talagang hindi tayo makakabangon.” ani Roque

Matatandaang lumiit sa 9.5% ang GDP ng Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic, pinakamalalang pagbagsak ng ekonomiya batay sa available data ng gobyerno simula 1947.

Umaasa naman ang pamahalaan na lalago ang GDP mula sa 6.5% at magiging 7.5% ngayong 2021 at 8% hanggang 10 percent sa taong 2022.

Facebook Comments