Pagbubukas ng iba pang establisyimento gaya ng sinehan sa ilalim ng Alert Level 3, inihirit!

Inihirit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na maibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila.

Sa harap ito ng patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa at pagdating ng mas maraming suplay ng bakuna.

Pero ayon kay Concepcion, pabor din naman sila na maibaba sa Alert Level 3 ang rehiyon pero kaakibat dapat nito ang pagtataas ng kapasidad ng mga establisyimento para sa mga fully vaccinated individuals.


“Yung suggestion namin, ibaba sa Alert Level 2 or 3 provided sa Alert Level 3, itaas nila yung capacity ng mga business establishment for fully vaccinated katulad ng mga restaurants, salon at idagdag nila yung ibang sarado pa katulad ng mga cinema, spa,” pahayag ni Concepcion sa interview ng RMN Manila.

Ikinatuwa rin ni Concepcion ang pagpapaikli ng curfew hour sa Metro Manila dahil mabibigyan nito ng pagkakataon ang mga negosyo na makapag-operate nang mas mahaba.

“Kasi itong fourth quarter, ito ang pinakamalakas na quarter natin sa isang taon at kailangang bumawi dito ang mga negosyante sa mga lugi nila at may mga 13th month pay, dapat bayaran, may mga obligasyon pa sa bangko ano,” ani Concepcion.

“So, tamang-tama yan, there’s more hours for people to go out and eat dinner, shop or whatever ‘no,” saad pa niya.

Facebook Comments