Pagbubukas ng industriya ng transportasyon sa mga dayuhan, tinututulan ng samahan ng Filipino Truckers

Umaalma ang iba’t ibang samahan ng mga trucker sa bansa sa gitna nang isinusulong na panukalang batas sa Senado na magiging sanhi nang pagkawala ng trabaho ng milyun-milyong Filipino sa transport industry.

Partikular na tinututulan ng Confederation of Truckers Association of the Philippines Inc. (CTAP) ang Senate Bill (SB) 2094.

Alinsunod sa naturang panukala, aamyendahan ang 85-taong Public Service Act of the Domestic Economy upang buksan ang sektor ng transportasyon sa mga foreign investor.


Ayon sa CTAP, sa sandaling payagan ang mga dayuhang korporasyon na mapasok ang sektor ng transportasyon, tiyak na mapipigilan ang paglago ng industriya kung saan magdudulot ito ng masamang epekto sa hanay ng local truckers.

Lalo na at nakalalamang ang mga dayuhan sa gitna na rin ng pinaiiral na Transport Modernization Program.

Nabatid na nagsumite na ng position paper sa Senado ang CTAP at kanilang iginigiit na kapag pinayagan ang mga dayuhan na i-operate ang local trucking industry ay mamamatay ang small at medium Filipino-owned business organization at ang pagkawala na rin ng trabaho sa ilang milyung Filipino.

Naninindigan ang CTAP na mahalagang bahagi ng ekonomiya ang transport industry na nagsisilbing lifeblood sa panahon ng kapayapaan at mga hindi inaasahan o emergency.

Hiling ng mga trucker sa mga Senador na busisiing mabuti ang panukala at magtakda panuntunan na naglalayong maproteksiyunan ang National Security at maiwasan ang pagkawala ng hanapbuhay ng maraming Filipino.

Facebook Comments