Pagbubukas ng klase ngayong araw, opisyal nang idineklara ng DepEd

Opisyal nang idineklara ni Education Secretary Leonor Briones ang pagbubukas ng klase sa 47,000 pampublikong paaralan sa buong bansa ngayong araw, October 5.

Ang opening day national program na may temang “Handang Isip, Handang Bukas” ay isinagawa online sa pamamagitan ng official Facebook page ng Department of Education (DepEd).

Sa kanyang talumpati, umapela si Briones na tigilan na ang debate kung dapat bang buksan o hindi ang pasukan.


Sa kabila ng kinahaharap na krisis ng bansa, iginiit ng kalihim na dapat ipagpatuloy ang pag-aaral.

Aniya, hindi hahayaan ng kagawaran na sirain ng COVID-19 ang edukasyon at kinabukasan ng mga kabataan.

“We will not allow COVID-19 to destroy our children’s education and their future. Whatever challenges we are facing, education must continue. Education cannot wait, our learners cannot wait. We continue with the process so we could give hope and continuity and contribute to the normalization of activities and growth of our learners in our country,” ani Briones.

Pinasalamatan naman ni Briones ang lahat ng mga tumulong para maisakatuparan ang implementasyon ng blended learning sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kasama ring pinasalamatan ng kalihim si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa suporta nito sa hangarin ng DepEd na maituloy ang pasukan.

Nabatid na nasa higit 24 na milyong estudyante ang magbabalik eskwela sa ilalim ng blended learning.

Facebook Comments