Pagbubukas ng klase sa August 22, tuloy na tuloy na ayon kay DepEd Sec. VP Duterte

Nanindigan si Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio na tuloy na tuloy ang pagbubukas ng school year 2022-2023 sa August 22.

Ito ay sa kabila ng ilang panawagan ng mga grupo tulad ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na iurong ito at sa halip ay gawin sa September upang makapagpahinga pa ang mga guro.

Ayon kay Duterte, ang petsa ng pagbubukas ng klase sa Agosto ay aprubado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Inilabas na rin aniya ang Department Order (DO) No. 34 series of 2022 para sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan.

Paliwanag pa ni Duterte, sa ngayon ang mga tao ay bukas na sa palagiang pagsusuot ng facemask at mayroon na ring bakuna at gamot kontra COVID-19.

Kasunod nito, nanawagan ang bise-presidente na magpaturok na ng bakuna at booster shot ang mga pamilya partikular ang mga miyembro sa loob ng bahay na may sakit dahil makakasalamuha nito ang mga estudyante na papasok naman sa paaralan.

Facebook Comments