Sa pagdinig ng Senate Committee on Health ay lumutang ang mga apela na iatras sa Enero ng susunod na taon ng pagbubukas ng klase para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa COVID-19.
Ayon kay Union of Local Authorities of the Philippines President at Quirino Governor Dakila Cua, nangangamba sila para sa itinakda ng Department of Education (DepEd) na pagbubukas ng klase sa August 24.
Duda si Cua na maipatutupad nang mahigpit sa mga paaralan ang physical distancing dahil siguradong hindi maiiwasan ng mga bata ang maglaro, magtapikan at maghawakan ng kamay.
Paliwanag naman ni League of Provinces of the Philippines President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., masyadong maaga at delikadong buksan agad ang klase sa Agosto.
Ipinunto ni Velasco na nadadagdagan pa rin ang kaso ng COVID-19 sa bansa lalo’t patuloy ang pag-uwi sa mga probinsya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at ng mga na-stranded dahil sa ipinatupad na community quarantine.
Iginiit naman ni League of Municipalities President at Narvacan, Ilocos Sur Mayor Chavit Singson na iurong ang pasukan sa mga paaralan para sa kaligtasan ng mga bata sa dahilang aanhin ang edukasyon kung mamamatay naman ang mga ito sa virus.