Isinusulong ng Senado na sa Oktubre na lamang gawin ang pagbubukas ng klase sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa interview ng RMN Manila kay Senate Committee on Basic Education Chairperson Sherwin Gatchalian, iginiit nito na hindi pa sigurado kung muling ibabalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa General Community Quarantine ang Metro Manila at mga karatig lalawigan, kaya marapat lang na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 24, 2020.
Binigyan diin ni Gatchalian na dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, malaki ang tiyansa na mahawa ang mga guro at magulang na lalabas para sa pamamahagi ng learning modules sa mga bata.
Bukod rito, nais din na masiguro ng senador ang suporta ng Department of Education sa mga gurong madadapuan ng COVID-19.
Sinabi ni Gatchalian na maaari namang maging regional ang pagbubukas ng klase lalo nat mayroong bagong batas na ang Republic Act no. 11480 kung saan pwedeng palawigin ng Pangulo ang pagbubukas ng klase kahit lagpas ng Agosto.