Pagbubukas ng klase sa Northern Luzon, tuloy sa Agosto 22 sa kabila ng naganap na lindol; mga apektadong eskwelahan, gagamit muna ng makeshift classroom

Tuloy ang pagbubukas ng klase sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa Agosto 22 sa kabila ng pagtama ng magnitude 7 na lindol sa rehiyon noong Hulyo 27.

Ito ang tiniyak ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Francis Cesar Bringas sa harap ng House Committee on North Luzon Growth Quadrangle.

Ayon kay Bringas, gagamit muna ng makeshift rooms ang mga eskwelahang naapektuhan ng lindol sa Northern Luzon.


Aniya,dahil papalapit na ang pagsisimula ng face-to-face classes sa Nobyembre ay magkakaroon ng temporary learning spaces ang mga eskwelahan at silid-aralan na nasira ng lindol.

Maaaring gamitin bilang makeshift rooms ang mga ang ibang silid na walang sira, gayundin ang open gymnasium, makeshift tent, at social hall habang ipatutupad din ang shifting classes sa mga naapektuhang paaralan.

Ang mga paaralan naman na walang sira at masasabing matibay ay magsasagawa ng full-day in-person classes pero dapat ay may kaakibat itong pag-iingat at pagsunod sa health protocol.

Batay sa ulat ng DepEd nasa 704 na eskwelahan na ang nasira sa Region 1, 2, 3 at CAR, dahil sa lindol.

Facebook Comments