Pagbubukas ng klase sa public schools tuloy na tuloy na sa Lunes –PBBM

Tuloy ang pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa Lunes, July 29.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasunod ng pananalasa ng Bagyong Carina at habagat nitong mga nagdaang araw na nagdulot ng mga malawakang pagbaha at nakaapekto sa ilang mga paaralan.

Sa ambush interview sa pangulo sa pagbisita nito sa San Mateo, Rizal, sinabi niyang tuloy pa rin ang klase lalo na kung nasa kondisyon naman ang mga gusali at hindi gaanong naapektuhan.


Pero pagdating aniya sa mga apektadong paaralan ay desisyon na ng mga eskwelahan kung itutuloy o iuurong muna ang pagbubukas ng klase.

Pwede rin naman aniyang isagawa ang klase sa labas ng mga gusali.

Ngayong araw, inanunsiyo ng Department of Education na nasa 90 mga paaralan ang hindi muna makakasabay sa balik eskwela dahil apektado ng pagbaha o ginagamit pa bilang evacuation centers.

Facebook Comments