Pagbubukas ng lokal na turismo, susi sa pagbangon ng turismo ng Pilipinas – DOT

Umaasa ang Department of Tourism (DOT) na ang pagbubukas ng mga local destinations ay magpapalakas ng tourist traffic at mapabilis ang pagbangon ng sektor ng turismo sa bansa.

Bukod sa Isla ng Boracay, ang Baguio City, Bohol, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Siargao Island ay nagbukas na para sa mga turista alinsunod sa guidelines ng kanilang Local Government Units (LGUs).

Ayon kay Tourism Undersecretary Benito Bengzon Jr., tiwala silang dadami ang bilang ng mga Pilipinong papasyal sa mga local tourist destinations.


Nakakamit naman aniya ang balance sa pagitan ng pagbubukas ng tourism activities at pagtitiyak na ligtas ang kalusugan ng mga residente.

Iginiit ni Bengzon na ang domestic tourism ay nag-aambag ng 80 hanggang 85 porsyento sa total tourism revenue.

Kailangang mapabilis ang tourism recovery para maibalik agad ang kabuhayan ng 4.8 million tourism industry workers na nawalan ng trabaho o naghanap ng ibang trabaho o mapagkakakitaan sa panahon ng pandemya.

Sa huling datos ng DOT, nakatanggap ang Pilipinas ng 1.3 million foreign visitors mula Enero hanggang Oktubre 2020, mababa ng 80.61% sa 6.8 million arrivals noong 2019.

Facebook Comments