Pagbubukas ng mga leisure areas at tourist sites mahigpit na tinututukan ng PNP

Mahigpit na ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa lahat ng police units ang pagmo-monitor sa muling pagbubukas ng mga tourist attractions at iba pang leisure spots sa Metro Manila at mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.

Ito ay sa harap na rin ng pagsasailalim na sa mga lugar na ito sa General Community Quarantine (GCQ) with heightened restrictions.

Ayon kay PNP Chief, nitong nakalipas na weekend ay nagsimula na ang ilan sa pagbisita sa mga outdoor tourist attractions kung saan pinapayagang mag-operate pero nasa 30 percent capacity.


Ilan sa mga tourist attractions na ito ay ang Intramuros, Fort Santiago at Baluarte de San Diego.

Paliwanag ni Eleazar, naiintindihan nya ang excitement ng karamihan sa mga Filipino na mamasyal sa labas dahil sa tagal nang pananatili sa bahay pero dapat aniyang mas maging maingat at sumunod pa rin sa mga health protocols para makaiwas sa COVID-19.

Pinaalalahanan rin ni Eleazar ang publiko na tanging sa mga tourist spots na accredited o authorized ng Department of Tourism (DoT) tumungo dahil mahigpit na ipinatutupad ang mga public health safety protocols.

Facebook Comments