Iminungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion na buksan na ang mga establisyimento gaya ng mall at restaurants pero, para lamang muna sa mga bakunado na kontra COVID-19.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Concepcion na ang ideya ay upang mabuksan na ang ekonomiya habang nag-iingat mula sa banta ng Delta variant.
Kadalasan naman kasi aniya sa mga tinatamaan ng Delta ay mga hindi bakunado.
Pero paglilinaw ni Concepcion, maaari pa rin namang lumabas ang mga hindi pa bakunado pero hanggang sa mga trabaho lamang nila.
Nilinaw din nito na ang mungkahi ay para lamang dito sa Metro Manila kung saan nakabuhos ang malaking porsiyento ng mga bakuna.
Dagdag ni Concepcion, gagawin lamang nila ito kapag may pagsang-ayon na mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Metro Manila mayors.