Pagbubukas ng Molecular Diagnostics and Testing Laboratory para sa mga pasyente ng COVID-19 sa Marikina, tuloy ngayong araw

Aprubado man o hindi ng Department of Health (DOH), bubuksan pa rin ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang kanilang Molecular Diagnostics and Testing Laboratory para sa mga pasyente ng COVID-19 ngayong araw.

Ito naman ang naging paninindigan ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro makaraang makakuha siya ng suporta mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging and Infectious Diseases (IATF-EID) para isulong ito.

Ayon kay Teodoro, pinamamadali na umano ng IATF sa DOH ang pagproseso sa lisensya ng nasabing pasilidad upang mapagsilbihan nang ganap ang mga mahihirap na Pilipinong apektado ng COVID-19.


Giit ng alkalde, mahalaga sa panahong ito ang agarang pagtugon sa mga tinamaan ng virus lalong-lalo na kung ang apektado ay iyong walang mga kayahan para sa pagpapagamot.

Dagdag pa ni Teodoro na ang mga ganitong mga pasilidad ang nakikita niyang susi upang mapababa ang naitatalang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 gayundin sa bilang naman ng mga nasasawi dahil sa sakit na dulot nito.

Kasalukuyan nang sumasailalim sa biosafety trainings ang mga medical personnel na tatao sa naturang pasilidad at inaasahan namang isasalang ang mga ito sa Proficiency Training sa Lunes para ganap nang makapag-operate ang nasabing pasilidad.

Facebook Comments