Tatlong linggo bago ang pormal na pagsisimula ng School Year (SY) 2022-2023, inihayag ng Department of Education (DepEd) na all set na ang pagbubukas ng mga paaralan sa August 22.
Ito ay kinumpirma ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio sa isinagawa na 2022 National “Brigada Eskwela” Kick-off sa Imus Pilot Elementary School sa Cavite.
Ayon kay Duterte, ang pagbubukas ng klase ngayong taon ay posibleng magdulot ng kagalakan at pagkabahala sa ilang mga guro, magulang at mag-aaral.
Aminado si Duterte na bukod sa COVID-19 ay maraming iniisip ang bawat isa na malaking hamon sa pang-araw-araw lalo na sa mga estudyante tulad ng monkeypox, baha, lindol, bagyo at iba pa.
Pero, kumpiyansa aniya na malalampasan ng DepEd ang mga hamon na ito, basta ang mahalaga ay mayroon tayong determinasyon na magtagumpay sa ating misyon.
Dagdag pa ni Duterte na ang mga aktibidad na may kaugnayan sa “Brigada Eskwela” ay nagpapahiwatig na ang mga paaralan ay naghahanda para sa pagbubukas ng klase.
Batay sa guidelines na inilabas ng DepEd, ipatutupad ngayong school year ang pagpapatuloy ng limang araw ng in-person classes, blended learning modality at full distance learning hanggang October 31.
Habang, simula sa November 2 ay magsisimula na ang full face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Matatapos ang SY 2022-2023 hanggang sa Hulyo 7, 2023.