Hindi pabor ang Department of Education o DepEd na buksan sa mga dayuhang mamumuhuan ang sektor ng edukasyon sa bansa base sa isinusulong na pag-amyenda sa mga economic provisions ng 1987 constitution.
Sa deliberasyon ng Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses Number 7 ay sinabi ni DepEd Undersecretary Omar Alexander Romero na maaring makaapekto sa mandato at pagtupad sa tungkulin ng ahensya ang amiyenda sa Paragraph 2, Section 4, Article 14 ng Konstitusyon.
Diin ni Romero, mahalaga ang basic education sa paghubog ng mga kabataan at pagkintal sa kanila ng pagiging makabayan kaya mainam na huwag hayaan na mapasakamay ng mga dayuhang mamumuhunan ang implementasyon ng basic education curriculum.
Binanggit din ni Romero na baka maging banta sa pambasang seguridad kung aalisin ang limitasyon sa pagmamay-ari o kontrol ng mga dayuhang negosyante sa basic educational institution.