Pagbubuo ng task force kontra fake news, iminumungkahi ng isa sa mga commissioner ng COMELEC

Iminungkahi ni Commissioner George Garcia sa Commission on Elections (COMELEC) na habulin at papanagutin ang sinumang indibidwal na kinukuwestiyon ang integridad ng nalalapit na 2022 national at local elections.

Ito’y kasunod ng kumakalat sa social media na ang resulta sa botohan ay napagdesisyunan na o may naka-set ng kandidato na mananalo dahil ang mga gagamitin na balota sa automated elections ay pinakialaman.

Ayon kay Garcia, personal niyang kukumbinsihin ang COMELEC en banc na bumuo ng task force laban sa fake news.


Sinabi ni Garcia na kinakailangan ng pumalag ng COMELEC laban sa mga nagpapakalat ng fake news lalo na’t ang integridad ng halalan ang sinisira ng mga ito.

Kaugnay nito, hinihimok ni Garcia ang publiko na asahan lamang ang mga mapagkakatiwalaan na news sources at iwasan ang mga nagpapakalat ng fake news.

Sakaling may mabasa o marinig, maigi rin na alamin ang pinagmulan nito at kung ito ay totoo.

Matatandaan na nitong nakaraang linggo, una nang binuo ng COMELEC ang task force na siyang mag-iimbestiga ng insidente ng pamimili ng boto na tinawag na Task Force Kontra Bigay na pinamumunuan ni Commissioner Aimee Ferolino kasama ang ilang ahensiya at departamento ng gobyerno.

Facebook Comments