Aprubado na sa House Committee on Ways and Means ang House Bill 7919 na magpapataw ng buwis sa electronic-sabong at iba pang mga off-site betting sa mga locally-licensed games.
Sa ilalim ng panukala na inihain ni Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ay inaasahang makakalikom ang pamahalaan ng mas malaking kita kumpara sa P13.7 million na koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 2019.
Paglilinaw ni Salceda, ang mga operasyon ng sabong at iba pang betting games ay legal naman, ngunit may “gray area” ang electronic na aspeto nito dahil hindi nababantayan ng pamahalaan ang operasyon ng mga ito sa online at hindi rin nakakasingil ng buwis sa ganitong mga aktibidad.
Sa ilalim ng panukala, ang buwis na ipapataw ay mula 5% ng gross revenue ng off-site betting games ng mga locally licensed games, hiwalay ito sa buwis na nire-require ng mga Local Government Units (LGUs), at mga regulatory fees at charges mula sa mga ahensya ng gobyerno.
Para naman sa higit na transparency at regulasyon ay binibigyang kapangyarihan ang BIR na i-accredit at inspeksyunin ang mga devices na ginagamit para ma-verify ang tax assessments.