Sa halip na puntiryahin ang mga online sellers, dapat na habulin na lang ng pamahalaan ang bilyun-bilyong buwis na hindi nababayaran ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ‘wrong timing’ at ‘insensitive’ ang planong pagpapataw ng buwis sa mga online sellers na karamihan ay maliit lang naman ang kita.
Aniya, ngayon pa lang umuusbong ang kanilang negosyo ay papatayin na agad ito ng gobyerno.
Ayon pa kay Gatchalian, mas magagastusan pa nga ang gobyerno sa pagbubuwis sa mga online seller dahil mas malaki pa ang administrative costs ng registration, auditing at monitoring sa mga ito kaysa sa makokolektang buwis sa kanila ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Samantala, sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na lahat ng negosyo, online man o hindi ay hinihikayat talaga nilang magparehistro.
Ito ay para maprotektahan din ang kapakanan ng mga konsyumer.
“Tulad ho ng negosyo, whether online or not online, talaga namang ine-encourage natin na magrehistro. Kapag maliit naman ‘yung negosyo meron naman ‘yang tax exemption lalo na kung P250,000 below. So may exemption talaga. Tsaka kung titingnan din natin for consumers protection, ‘yung kabilang side din ng pagnenegosyo kailangan protektahan din ‘yung consumer, kailangan registered ‘yung negosyo,” paliwanag ni Lopez.
Una nang nilinaw ng pamahalaan na hindi kasamang bubuwisan ang mga online seller na may kitang mas mababa pa sa P250,000 kada taon.