Pagbubuwis sa online business, hindi na bago ayon sa BIR

Hindi na bago ang pagbubuwis sa online business.

Ito ang naging depensa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kasunod ng mga batikos na naisipan lamang na buwisan ang mga online sellers dahil lumaganap ito sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa virtual meeting ng House Committee on Ways and Means, sinabi ni BIR Commissioner Caesar Dulay na noong 2013 pa ay mayroon nang Revenue Memorandum Circular na nag-aatas sa online businesses na sumunod sa Tax Code.


Sinegundahan naman ito ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa na nagsabing ang inilabas na bagong memo ng BIR ay paalala lamang sa mga nasa online business na kailangan nilang magparehistro at magbayad ng buwis.

Muli ring nilinaw ng opisyal na hindi nila target sa hakbang na ito ang maliliit na negosyo kundi ang mga non-resident foreign companies gaya ng Netflix dahil ang kanilang economic presence ay narito sa Pilipinas gayundin ang malalaking korporasyon tulad ng Lazada at Shopee.

Kinuwestyon naman ni Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing ang ahensya sa itinakdang napakaagang deadline sa pagpaparehsitro na hanggang July 31, 2020.

Sinabi naman ni Guballa na maaari nilang ikunsidera ang extension sa registration ng online businesses depende sa magiging sitwasyon pagkatapos ng quarantine sa June 30.

Facebook Comments