Pagbuga ng usok ng Bulkang Taal, humihina na ayon sa provincial government ng Batangas

Bumubuti na ang sitwasyon ngayon ng Bulkang Taal kung ikukumpara sa mga nakalipas na araw.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na kung kahapon ay nasa tatlong kilometro ang ibinubugang usok ng bulkan, ngayong araw ay nasa isa’t kalahating kilometro na lamang.

Indikasyon aniya ito na humihina na ang inilalabas nitong asupre mula sa loob ng bulkan.


Tiniyak naman ni Mandanas na nagpapatuloy ang pagtulong nila sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng bulkan at mga nasa evacuation center, katuwang ang national government at pribadong sektor.

Sa usapin naman ng pag-iwas na mahawahan ng COVID-19 ang mga evacuee, sinabi ni Mandanas na patuloy nilang hinihikayat ang mga ito na magpabakuna na.

Sa katunayan, nag-donate ang mga alkalde ng Metro Manila ng mga bakuna para sa mga bakwit ng Taal.

Facebook Comments