Pagbugso ng milyong aplikasyon sa passport kasabay ng paghupa ng COVID-19 cases, dapat paghandaan ng pamahalaan

Pinagbubukas ni Senator Joel Villanueva ang gobyerno ng mas maraming passport processing centers sa mga malls sa labas ng Metro Manila.

Ayon kay Villanueva, hakbang ito para matugunan ang inaasahang pagdagsa ng aplikasyon para sa passport lalo na ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Paliwanag ni Villanueva, tiyak ang pagbugso ng milyong aplikasyon sa passport, kasabay ng paghupa ng kaso ng COVID 19 sa buong mundo at unti unting pagbubukas ng ating ekonomiya.


Para kay Villanueva, napakaganda ng ginawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magbukas ng anim na Temporary Off-Site Passport Services o DFA-TOPS sa NCR nitong nakaraang buwanz.

Sinabi ni Villanueva, na ang ganitong programa ng DFA ay isang solusyon na karapat-dapat ipatupad sa buong bansa.

Dagdag pa ni Villanueva, ang pagpapabilis sa passport processing ay isang mahalagang tulong ng pamahalaan hindi lang sa mga OFWs, kundi pati na rin sa mga unang beses na maghahanap ng trabaho.

Diin ni Villanueva, dapat siguruhin na sa pagbubukas ng pandaigdigang ekonomiya sa susunod na taon, ay armado ang mga OFWs ng pinakamahalagang dokumento na kakailanganin nila sa pagtatrabaho.

Facebook Comments