Sinusuportahan ng Philippine National Police ang kagustuhan ni DILG Secretary Eduardo Año sa muling pagbuhay ng anti- subversion law.
Ito ay dahil na rin sa dami ng mga kabataang nare-recruit ng NPA kung saan batay sa datos ng DILG mula sa dating 500 kabataan kada taon, naging isang libong kabataan na kada taon ang napapasama o nare-recruit ng komunistang grupo.
Sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde, kailangang mapag-aralang mabuti ang muling pagbuhay sa batas.
Ang anti-subversion law ay naisabatas noong taong 1957 sa panahon ni dating Carlos P. Garcia ngunit sa panahon ni dating Fidel V. Ramos noong taong 1992, inalis ang batas at nanatili ang sedition bilang isang criminal offense.
Ikinakaso ang mga ito sa mga indibidwal o grupo na nagkakaisa para pabagsakin ang gobyerno.
Sinabi ng PNP Chief na masyado nang desperado ang komunistang grupo kaya pinaparamdam nila sa publiko ang kanilang pwersa sa pamamagitan ng pag-atake at pagre-recruit.