Binatikos ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) matapos gawing mandatory muli sa mga ipaparehistrong sasakyan ang testing sa Private Motor Vehicle Inspection Centers o PMVICs.
Binanggit ni Poe na sapilitan din ang pagbili ng insurance policy mula sa PMVIC operators.
Giit ni Poe, sa panahon ng pandemya kung kailan bawat piso ay mahalaga ay isang krimen ang pamemera gamit ang polisiya na hitik sa problema.
Pinaalala ni Poe na inirekomenda ng Committee on Public Services at inaprubahan ng Senado ang pagbabasura ng DOTr sa Department Order 2018-019 dahil sa napakaraming problema na idinulot nito sa mga motoristang gustong magparehistro ng kanilang sasakyan.
Kaya noong February 11, 2021, ang PMVIC testing ay naging optional na lamang.
Pero ayon kay Poe, tila ba pinahupa lang saglit ang galit ng mga motorista at pinaikot lang tayo ng DOTr dahil nito lamang nakaraang buwan ay muling ginawang mandatory ang testing sa mga PMVIC.
Paliwanag ni Poe, talo rito ang mga motorista dahil hindi naman sila kakayaning serbisyuhan ng PMVIC na umaabot pa lamang sa 62 gayong nasa 9.2 milyon ang mga sasakyan sa buong bansa, bukod pa ang 18 mga motorsiklo na dapat ding ipa-test dito.