Nakipagpulong ang The National Capital Region Regional Community Defense Group (NCRRCDG) ng Philippine Army Reserve Command, sa mga opisyal ng ilang kolehiyo sa Metro Manila para sa pagpapalawak ng Reserve Officer Training Course (ROTC).
Sa pagpupulong na ginawa sa Fort Bonifacio, tinalakay ni NCRRCDG Commander Col. Ricky P. Bunayog sa mga administrador ng Pateros Technological College (PTC) at Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMar) ang “requirements” sa pagbuhay ng ROTC Units sa nasabing mga paaralan.
Ang ROTC ay bahagi ng National Service Training Program, national civic education at defense preparedness program para sa mga estudyante sa kolehiyo.
Layunin nito na mabigyan ng pagsasanay militar ang mga nasa kolehiyo upang maging handa sila sa mobilisasyon sa panahon ng national emergency.
Matatandaang sinabi ni Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., na aktibong nag-re-recruit ang Phil. Army ng mga reservists bilang pang-suporta sa mga regular na tropa.