Pagbuhay sa Anti-Subversion Law, haharangin ng Makabayan sa Kamara

Kinastigo ng Makabayan Bloc sa Kamara ang planong pagbuhay muli sa anti-Subversion Law kasunod ng ginawang paghahain ng panukala tungkol dito ng Duterte Youth Partylist.

Giit ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago, ang paghahain ng Duterte Youth ng Anti-Subversion Act ay isang malaking sampal para sa mga naging biktima ng diktaturyang Marcos, extra-judicial killings at sa mga nasampahan ng mga gawa-gawang kaso.

Tinawag naman ni ACT-TEACHERS Partylist Rep. France Castro ang Duterte Youth na mistulang mouthpiece sa mga agenda ng administrasyon dahil wala pa aniyang inihain ang grupo sa Kamara na panukala patungkol sa kapakanan at concerns ng mga kabataan na kinakatawan dapat ng partido.


Para naman kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, nais lamang ng panukala na gawing lehitimo ang red-tagging sa mga kritiko ng pamahalaan matapos na wala namang maipakitang matibay na ebidensya sa Senado laban sa mga pinaghihinalaang front ng NPA.

Binigyang diin naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na kahit maisabatas muli ang Anti-Subversion Law ay hindi nito mareresolba ang ugat ng armed-conflict sa bansa.

Sa House Bill 8231 o “Anti-CPP-NPA-NDF Act of 2021” na inihain ni Duterte Youth Partylist Rep. Duciel Cardema, layunin na i-outlaw o ituring na bandido at labag sa batas ang CPP-NPA-NDF kasama na ang lahat ng mga organisasyon na sumusuporta sa mga ito.

Facebook Comments