Ikinakabahala nila Bayan Muna Party-list Reps. Carlos Zarate at Eufemia Cullamat ang mungkahi ng Department of Interior and Local Government na buhayin ang Anti-Subversion Law.
Ayon kay Zarate, babalik lamang ang diktadurya at dadami ang kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao kapag ipinatupad ang militarist proposal.
Sa oras aniya na buhayin ang Anti-Subversion Act ay marami ang huhulihin at ikukulong na inosenteng mamamayan sa harap ng lumalalang kapalpakan ng administrasyong Duterte.
Sa ilalim kasi nito ay mahigpit aniyang ipagbabawal ang kalayaan sa pagpapahayag at pagtitipun-tipon na minsan nang ipinatupad noon sa panahon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Idinagdag naman ni Cullamat na ngayong nasa ilalim din ng Martial Law ang Mindanao ay dapat tutulan ang panukala ng DILG dahil tiyak na mahihirapan nang ibalik ang demokrasya kapag naisakatuparan ito.