Buo ang pag-asa ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Raymund Yamsuan na ang pagbuhay sa Bicol Express rail line ng Philippine National Railways o PNR ay magiging ‘game-changer’ na tiyak magpapalakas sa ekonomiya ng katimugang bahagi ng Luzon.
Diin pa ni Yamsuan, magkakaloob ito ng trabaho para sa daan-daang mga Bicolano bukod sa idudulot nitong komportable at mabilis na transportasyon para sa mga mananakay at turista at pagbyahe ng mga iba’t ibang produkto.
Sa pagtaya ni Yamsuan, ang konstruksyon pa lang sa Phase 1 ng South Long Haul Project ay lilikha na agad ng 5,000 hanggang 10,000 construction jobs kada taon at madadagdan pa sa ibang kaugnay na sektor.
Sabi pa ni Congressman Brian, mangangailangan din ito ng permanent jobs para sa railway engineers at mga manggagawa na isasailalim sa pagsasanay para sa operasyon ng Bicol Express at iba pang railway projects sa ilalim ng ‘Build Better More’ program ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Binanggit ni Yamsuan na ang Phase 1 ng reconstruction and modernization ng Bicol Express ay aabot sa 380 kilometro mula Calamba, Laguna hanggang Legazpi, Albay.