Pagbuhay sa Bicol River Basin Development Program, pinamamadali na ni PBBM

Pinasisimulan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lalong madaling panahon ang pagsasaayos sa Bicol River Basin Development Program sa 2025.

Sa kaniyang talumpati sa Pili, Camarines Sur, sinabi ng Pangulo na inatasan na niya ang bawat ahensya na bumuo ng mga istratehiya para hindi na maulit pa ang malawakang pagbaha sa gitna ng climate change.

Nabatid na natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pag-update sa Master Plan and Feasibility Study para sa proyekto noong Hulyo ng kasalukuyang taon.


Ayon sa Pangulo, inaasahang magsisimula ang paggawa ng detailed engineering design sa unang bahagi ng 2025.

Ipinag-utos din nito sa DPWH, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of the Interior and Local Government (DILG), na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa integrated at future-proof na mga plano at proyekto para sa Bicol River Basin.

Nais matiyak ng Pangulo na napag-aralang mabuti ang mga desenyo ng imprastraktura, habang ipinasisiguro sa Budget Department ang tuloy-tuloy na pagtugon sa pamamagitan ng quick response fund, lalo na’t may bago na namang bagyo.

Facebook Comments