Susuportahan ni dating Speaker at Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na buhayin muli ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection.
Ayon kay Alvarez, sakaling may maghain ng panukalang death penalty ay susuportahan niyang maipasa ito.
Matatandaan na noong 17th Congress sa ilalim ng dating Speaker ay nakapasa sa Kamara ang death penalty pero hindi ito umusad sa Senado.
Samantala, sinabi naman ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na isa siya sa mga naghain ng death penalty para sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Sinubukan nila na maisulong ngunit sa huli ay hindi rin ito naging ganap na batas.
Bagamat naniniwala pa rin si Biazon na death penalty pa rin ang nararapat na parusa sa mga high level drug traffickers, iginiit nito ang ibang approach na pagpapalakas ng pagkalap ng ebidensya ng mga law enforcement na siyang mas importante ngayon.