Hindi dapat umasa lang sa bakuna ang pamahalaan para mapasigla muli ang ekonomiya ng bansa.
Punto ni IBON Foundation Executive Director Sonny Africa, maliban sa mga isyu sa pagbili ng bakuna at mabagal na vaccination plan, hindi rin inaasikaso ang pagkalat ng pandemya.
Aniya, dapat atupagin ng gobyerno ang pagsasagawa ng testing at tracing para hindi kumalat ang sakit kahit wala pang bakuna.
“Sa Timog-Silangang Asya, maliban sa Indonesia, nakontrol naman nila ‘yong COVID-19 nang walang bakuna. ‘Di ba ‘yong matagal nang sinasabi na testing, tracing, quarantine at isolation, hindi nahaharap ngayon kaya kumakalat ang COVID,” ani Africa sa interview ng RMN Manila.
“’Yong talagang makakatulong sa mga negosyo, pangunahin dyan, asikasuhin naman ‘yong testing at tracing para hindi kumalat ‘yong virus kahit wala pang bakuna. Malaking tulong ‘yon syempre para magkakumpiyansa ‘yong mga negosyante,” dagdag pa niya.
Mahalaga rin aniya ang pagbibigay ng dagdag na ayuda para mabigyan ng kumpyansa ang mga negosyante na magnegosyo.
“Bagama’t sinasabi lagi ng gobyerno na magbibigay ng suporta, sa nakuhang naming ulat doon sa Bayanihan 2 noong Disyembre, hindi pa umabot sa 10,000 ang nabigyan ng tulong sa milyun-milyong namomroblemang Micro, Small, Medium Enterprises namin,” saad niya.
Samantala, sa survey na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa epekto ng pandemya noong 2020, lumalabas na isa lang sa apat na pamilya ang mayroong savings.
Ibig sabihin, ayon kay Africa, tatlo sa kada apat na pamilya ang nakararanas ng matinding kahirapan at krisis.
Dahil dito, nagbabala si Africa na posibleng lalo ring lumala ang antas ng kagutuman sa bansa ngayong taon dahil sa nagpapatuloy na pandemya.
“’Yong usapin ng food security, hindi lang naman ‘yong may produksyon e, kailangan may pambili ng produksyon na ‘yon. Kaya habang hindi nilalagyan ng pera sa bulsa ng mahihirap na Pilipino, dadami’t dadami talaga hindi lang yung mahirap, ang pinakamalala talaga, dadami’t dadami ‘yong nagugutom.”