Manila, Philippines – Itinuturing na masamang senyales ng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang ginawang pagbuhay ng AFP at PNP sa Inter-Agency Legal Action Group (IALAG) na ngayon ay tinatawag na Inter-Agency Committee on Legal Action.
Ang IALAG ay unang binuo noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ginamit hindi lamang umano laban sa NPA kundi pati sa mga kritiko ng gobyerno.
Sinabi ng grupo na napakaraming aktibista ang sinampahan nuon ng gawa-gawang kaso, batay lamang umano sa mga bintang ng AFP at PNP.
Paliwanag pa ng Bayan nauwi sa maraming pag-abuso ang IALAG kung kaya’t nirekomenda itong buwagin noon ni UN Special Rapporteur Philip Alston at kalaunan ay nabuwag din
Ayon sa grupo binuhay ito ngayon dahil tila naghahanda ang administrasyong Duterte sa pagsupil sa mga kritiko nito mula sa progresibong hanay.
Ikinababahala din ng Bayan na mauuwi ito sa mas maraming paglabag sa karapatang pantao
Kasunod nito hinahamon ng grupo ang publiko na maging mapagbantay sa tila panibagong tangkang panunupil.