Maaring buhayin muli o ituloy ng gobyerno ang ilan sa programang ipinatupad noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Mungkahi ito ni Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera makaraang aprubahan ng NCR wage board ang dagdag na ₱40 sa daily minimum wage sa Metro Manila.
Layunin ng suhestyon ni Herrera na matulungan ang mga maliliit na negosyo na maipatupad ang dagdag na sahod sa kanilang mga manggagawa.
Sabi ni Herrera, maaring palawigin ang saklaw at ituloy ng Small Business Corporation ang pagbibigay ng wage support loan para sa small at medium enterprises.
Dagdag pa ni Herrera, pwede ring ilapit ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Kongreso ang pagbuhay sa COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP na makakatulong din sa implementasyon ng minimum wage rates sa NCR.