Manila, Philippines – Iginiit ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang kahalagahan na mabuhay muli ang Pasig River ferry service sa harap ng nananatiling matinding problema sa trapiko sa Metro Manila.
Nagpahayag si Angara ng kahandaan na itaas ang 74-million pesos na subsidiya ng pamahalaan para sa pagpapatakbo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa 15-kilometrong ruta ng ferry service sa Pasig River.
Kaugnay nito ay pinagsusumite ni Angara ang MMDA ng detalyadong programa kung paano gagamitin ang dagdag pondo para sa operasyon ng ferry service.
Diin ni Angara, mahalaga na maisagawa ang modernisasyon sa Pasig River ferry system.
Ipinaalala ni Angara na noong August 2016, ay inilatag ng Department of Transportation (DOTr) ang P2.65 billion na halaga para dito na sasaklaw sa 20 bagong passenger vessels, rehabilitasyon sa 10 passenger terminals at river dredging.