Mahigpit na muling ipapatupad ang quarantine pass system habang malilimitahan ang operasyon ng mga negosyo at pampublikong transportasyon kapag ibinalik ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine.
Ito ang babala ng Malacañang sa gitna ng patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pero umaasa si Presidential Spokesperson Harry Roque na maiiwasan ng National Capital Region ang mahigpit na lockdown retrictions para mapanatili ang tuloy-tuloy na pagtakbo ng ekonomiya.
Ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay mapupulong para malaman ang kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa Metro Manila at isusumite ang rekomendasyon nito kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magbababa ng pinal na desisyon.
Ang Metro Manila ay nananatiling episentro ng COVID-19 outbreak at kasalukuyang nasa General Community Quarantine (GCQ) hanggang sa katapusan ng buwan.