Ikinabahala ng mga senador ang second wave na pagkalat ng COVID-19 matapos dumagsa ang mga tao sa mga mall sa simula ng pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) tulad sa Metro Manila.
Para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Panfilo “Ping” Lacson, hindi pa tapos ang first wave ng pagkalat ng infection dahil hindi pa sapat ang mga naisasailalim sa COVID-19 test.
Umaasa si Lacson na pag-iisipang mabuti ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pahintulot nito na makapagbukas na ang mga mall at iba pang establisyemento kung saan hindi mahigpit na naipatutupad ang social distancing, pagsusuot ng face mask at iba pang protocols.
Nag-alala naman si Senator Nancy Binay na agad isinailalim ng IATF sa MECQ at General Community Quarantine (GCQ) ang ilang mga lugar kahit hindi pa sapat ang kahandaan para dito.
Diin naman ni Senator Joel Villanueva, baka hindi na kayanin ng ating health care system kung magpapatuloy ang pagbuhos ng mga tao lalo na sa malls.
Si Senate Minority Leader Franklin Drilon, nakikiusap sa publiko na sundin ang mahigpit na protocols laban sa pagkalat ng virus tulad ng social distancing, pagsusuot ng face masks at madalas na paghuhugas ng kamay.
Pinapa-alalahanan naman ni Senator Christopher “Bong” Go ang lahat na hindi pa tapos ang laban natin kontra COVID-19 kaya hindi dapat maging kampante at kahit niluwagan na ang quarantine measures.