Hindi na talaga mapipigilan pa ang pag-agos ng suporta na natatanggap ni Vice President Leni Robredo matapos opisyal na ilunsad ang kanyang pagtakbo sa pagka-Pangulo. Sunod-sunod na rin ang ginawang pag-iikot ni Robredo sa Bicol at iba’t iba pang probinsya sa Luzon.
Pagkatapos simulan ang kampanya sa Camarines Sur, kung saan siya ay pinanganak, pinuntahan ni Robredo ang Daet at Labo sa Camarines Norte at Gubat at Sorsogon City sa Sorsogon para pasalamatan ang mainit na pagsuporta na kanyang tinatanggap mula sa kanyang mga kababayan.
Pakiusap ni Robredo sa kanyang mga tagasuporta na magkaisa para sa isang pamahalaan na hindi pinatatakbo ng pulitika, ngunit sa pamamagitan ng isang kagustuhang maglingkod nang disente at may kakayahan.
“Ang hinihiling ko po sa inyo, magkaisa tayo. Sana po hind imaging dahilan ang politika para magkawatak-watak dahil ang isinusulong nman po natin ang klase ng pamamahala na matino at mahusay” saad ni Robredo.
Sa Sorsogon, sinalubong si Robredo ni Governor Chiz Escudero na nagsabing tunay na maaasahan ang klase ng pamumuno ni Robredo.
Kilalang ka-alyado ng administrasyon si Albay 2nd District Representative Joey Salceda pero inendorso niya ang kandidatura ni Robredo pagka-Pangulo dahil naniniwala ito na tunay ang kagustuhan ni Robredo na maglingkod sa bayan.
“Sa lahat ng kandidato, I think mas credible ang kanyang… capacity of caring for the poor people” ani ni Salceda. “She has the credibility in unifying the people especially in times that we need to make sacrifices for the sake of nation building.”
Sa ikatlong araw ng kampanya, pumunta sa Batangas si Robredo. Kahit saan nagtungo si Robredo sinalubong siya ng kanyang mga taga-suporta na nakasuot ng pink na t-shirt habang winawagayway ang mga pink flaglets.
Gustong ipaalala ni Robredo ang klase ng pamamahala na kanyang gustong dalhin sa malacanang sakaling siya ang mahalal na Presidente sa 2022 election.
“Ang aking pong ino-offer sa inyo, ibang iba naman sa ino-offer sa iba. Ang akin pong klase ng politika pinakita ko kung paano ako as a public servant. Hindi pinagsisilbihan pero siya ytung naninilbihan” sabi ni Robredo.