Pagbuo ng ahensyang poprotekta sa Sierra Madre, aprubado ng House panel

Inaprubahan na ng House Committee on Government Enterprises and Privatization ang pagbuo ng special government body na siyang magpoprotekta sa bulubunduking Sierra Madre.

Ang panukalang batas ay iniakda nina House Assistant Majority Leader at Rizal 2nd District Representative Fidel Nograles.

Sa kanyang sponsorship speech, nakiusap si Nograles sa kanyang mga kapwa mambabatas na aprubahan ang panukalang batas para mapangalagaan ang Sierra Madre region.


Binanggit din ni Nograles ang kawalan ng pagpapatupad ng environmental protection laws at kawalan ng regulasyon sa aktibidad ng mga tao sa lugar kabilang ang patuloy na pagkakalbo ng kagubatan at pag-ubos ng natural resources.

Sa ilalim ng House Bill No. 5634, bubuo ng Sierra Madre Development Authority (SMDA) na siyang magsasagawa ng comprehensive survey sa physical at natural resources ng Sierra Madre region at bubuo ng comprehensive plan para mapangalagaan ang resources at maisulong ang social at economic development sa rehiyon.

Bahagi rin ng mandato ng SMDA na magbigay ng makinarya lalo na sa planning, management at technical assistance sa mga investors sa rehiyon at magbigay ng rekomendasyon sa mga ahensya lalo na sa financing at technical support na ibibigay sa agricultural, industrial at commercial projects at i-assess at aprubahan ang mga plano, programa at proyekto na ipinapanukala ng mga local government offices o agencies sa rehiyon.

Kabilang din sa functions ng SMDA ay pagplano, pagbuo at pagpondo ng infrastructure projects para sa ilog, baha, tidal control, waste at sewerage works, dams at water supply, kalsada, irrigation at housing.

Trabaho rin nito na pag-aralan ang conservation, improvement, exploration at maintenance ng Sierra Madre Mountain Range.

Facebook Comments