Manila, Philippines – Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbili ng Lank Bank of the Philippines sa philippine Postal Savings Bank (PPSB) para gawing bangko ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at tatawaging Overseas Filipino Bank (OFB).
Sa Executive Order (EO) no. 44, sinabi ng pangulo na dapat bigyan ng prayoridad ang mga OFW na malaki ang nagiging kontribusyon sa foreign exchange income ng bansa, currency stability, at pagkalahatang paglago ng ekonomiya.
Ang pagbili sa PPSB ay sasailalim sa approval at clearance ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Securities and Exchange Commission, Philippine Deposit Insurance Corporation, at Philippine Competition Commission.
Ang PPSB ay subsidiary ng Philippine Postal Corporation at ang pangunahin nitong tungkulin ay ang pagpapaunlad ng rural financial sector.
Gagamitin ang OFB para sa financial at remittance services ng mga OFW at kanilang mga pamilya.
Inatasan din ng pangulo ang LBP na maglaan ng capital sa OFB para mapalakas ang capital base ng nasabing banko para sa mga filipino na nasa labas ng bansa.
Bubuo rin ang OFB ng Board of Directors kung saan ang pangulo ang magtatalaga ng mga OFW na kakatawan sa Department of Labor and Employment at OWWA.